Wednesday, June 15, 2011

Ate's Amazing Adventures: Kanin part 2

Hindi ko na alam kung paano ituturo kay Ate kung ano ang tamang sukat ng tubig kapag magsasaing.  Malinaw naman ang guhit sa measuring cup, at madali naman siguro intindihin ang instruction na kapag ang takal ng bigas ay 2 cups, dadagdagan ang tubig ng 1/4 cup, kaya magiging 2 1/4 cups ito.

To think na ang kausap ko naman ay isang high school graduate at iskolar pa daw.

Mag-iisang buwan na si Ate, araw-araw nya ako kung tanungin tungkol dito.  Kahapon ang kauna-unahang pagkakataon na hindi sya nagtanong.  Inisip kong mag-pa-canton sa tuwa, pero tulad ng dati, may isang malaking pasabog na naman si Ate na yumanig sa utak at kalamnan ko kagabi.

Dinner time.  As usual, late na naman si Ser dumating, kaya pagtapak pa lang ng paa ni Ser sa may pintuan, ipinahanda ko na ang lamesa kay Ate para makakain na kami.  Hindi natinag si Ate sa pagkakaupo nya sa may dining area.

Me: "O, Ate, kain na tayo.  Gutom na kami ni Ser."
Ate: "Naku, Madam, matigas pa yung kanin natin."
Me: "Ha?  Bakit?"
Ate: "Ibang bigas kasi itong binigay nung nanay ni Gina.  Hindi ko matantiya ang tubig."
Me: "Ilang takal ba ang sinaing mo?"
Ate: "3 1/2, Madam."
Me: "Eh, ang tubig, ilang takal?"
Ate: "3 1/4, Madam."
Me: "Titigas nga yan.  Binawasan mo pala ng tubig.  Kapag hindi ka pamilyar sa bigas, sa unang saing mo, kung ilang takal ang bigas, ganun din karami ang tubig.  Kung napansin mong malagkit o basa yung kanin, saka mo lang babawasan ng tubig sa susunod na saing mo.  Kung maalsa o matigas naman, saka mo dadagdagan ng tubig."
Ate (nangatwiran pa): "Eh, kasi naman, Madam, hindi naman sinabi nung nanay ni Gina na maalsa pala yang bigas na yan."

Dakdak pa ng dakdak si Amazing Ate, kaya sinilip ko na lang yung laman ng rice cooker para i-analyze ang naging kapalaran ng kawawang kanin sa kamay nya.  Ang sinasabing matigas ni Ate, nagmistulang lugaw na.

Me: "Dinagdagan mo ba ng tubig ito?"
Ate: "Oo, Madam."
Me: "Ilan ang dinagdag mo?"
Ate: "Naku, Madam, nakailang balik ako dyan, hindi ko na mabilang."

Gusto kong himatayin.  Sa asar at sa gutom.  Pero nangibabaw ang kagustuhan kong makakain na kaya tinikman ko kung kakayanin ang hilaw at malatang kanin ng kumakalam kong sikmura.  

Hindi ko kinaya.  

Nabaling ang tingin ko sa rice cooker at napansing nasa "WARM" ang ilaw nito.

Me: "Ate, nung dinagdagan mo ba ng tubig yung kanin, pinindot mo yung "COOK"?
Ate: "Ay, hindi, Madam.  Pipindutin ba yun?"


Maghahanda na ako ng sakong pagsisidlan ko kay Ate.  May suggestion kayo san magandang dalhin ang sako?

No comments:

Post a Comment